Back

Patriot cagebelles, pinaigting ang winning streak; pinataob ang EAC-D Lady Vanguards, 67-57

111

Dinugtungan ng DLSU-D cagebelles ang kanilang winning streak, 3-0, matapos maungusan ang mahigpit na katunggali na Emilio Aguinaldo College-Dasmariñas (EAC-D) Lady Vanguards, 67-57, sa 10th United CALABARZON Collegiate League women’s basketball eliminations sa First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH) Gymnasium Tanauan, Batangas, kahapon, Agosto 14.

Nauna mang magtala ng iskor ang EAC-D, kaagad na bumawi ang DLSU-D matapos magpakawala ng quick at fast break layup ang team captain na si Jannie Well Rodriguez at three-point shot na nagmula kay Patriot cagebelle Mariel Campasa upang maisara ang unang kwarter, 15-9.

Maagang nagpakitang gilas sa ikalawang kwarter ang green-and-white squad at mabilis ding uminit ang salpukan nang masungkit ng Vanguards ang una nilang lamang sa 5:17, 22-21. Patuloy na naging dikit ang labanan matapos magpamalas ang dalawang koponan ng matibay na opensa at depensa, 32-30. Nahirapan mang ungusan ang Lady Vanguards, nanatili ang momentum sa DLSU-D matapos magpaulan ng dalawang magkakasunod na three-pointer sina Patriot cagebelles Agatha Azarcon at Campasa na nagtalaga ng pinagsamang 13 puntos, 35-34.

Gitgitang nagsimula ang ikatlong kwarter matapos magpalitan ng puntos ang dalawang koponan, ngunit nakaranas ng defense meltdown ang DLSU-D na naging dahilan upang umabot sa pito ang bentahe ng kalaban, 40-47. Bigo mang sungkitin ang kalamangan, tinapos ni Patriot cagebelle Dianne Reyes ang laro sa pamamagitan ng buzzer beater jumpshot, 42-47.

Sa pagwawakas ng tunggalian, pinangunahan nina Patriot cagebelles Rodriguez at Reyes ang DLSU-D nang magtala sila ng pinagsamang 18 puntos upang mabilis na angkinin ang nanakaw na bentahe, 65-52. Sinubukan mang bumawi ng Lady Vanguards matapos mailusot ang charity shots at tatlong layup, nanaig ang koponan ng green-and-white upang masungkit ang ikatlong sunod na panalo, 67-57.

Sunod na makakaharap ng DLSU-D cagebelles ang FAITH Bravehearts sa parehas na lugar sa Agosto 25.